Nag-abiso ang ilang mga pamantasan sa Intramuros, Maynila na wala muna silang “face to face classes” at “on-site o physical transactions” mula June 27 hanggang 29, 2022.
Ito ay dahil sa pansamantalang pagsasara ng ilang mga kalsada bunsod ng paghahanda para sa inagurasyon ni President-elect Bongbong Marcos sa Biyernes, June 30.
Kabilang sa mga nag-anunsyo ay ang mga sumusunod:
– Colegio de San Juan de Letran
– Lyceum of the Philippines
– Mapua University
– Pamantasan ng Lungsod ng Maynila
Sa mga nasabing araw, gagawin muna ang mga klase ng “online” upang hindi mahirapan ang mga estudyante, mga guro at school employees sa posibleng abala na maidudulot ng road closures.
Paiiralain naman ang “work-from-home set-up” para sa mga guro at school personnel habang bukas para sa “online transactions” ang kani-kanilang virtual offices.
Para sa kumpletong detalye, maaaring bisitahin ang opisyal na social media accounts ng mga nabanggit na pamantasan.
Samantala, sa June 30 ay walang pasok sa lahat ng mga paaralan, kolehiyo at unibersidad sa buong Maynila dahil deklaradong “special non-working holiday” para bigyang-daan ang panunumpa ni Marcos bilang ika-17 Pangulo ng Pilipinas.