Dumagsa ngayong araw ang ilang pamilya kasama ang mga menor de edad na ipinapasyal sa Manila Baywalk Dolomite Beach ngayon.
Sa kabila ito ng naunang pahayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ng pamahalaan na bawal ang paglabas ng mga bata para mamasyal sa mga mall, parke at sa ilang mga kainan o restaurant.
Bukod sa pagbiyahe ay “essential” at pag-e-ehersisyo lamang ang pinapayagan para sa paglabas ng mga menor de edad.
Sa kabila ng paalala at pagbabantay sa seguridad ng mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Manila Police District (MPD), hindi pa rin mapigilan ang ilan sa mga bata na mag-alis ng face mask habang naglalaro.
May ilang nasa tamang gulang din ang nag-aalis ng face mask kapag nagpapakuha ng kanilang video o larawan.
Pahirapan din ipatupad ang physical distancing kung kaya’t tulong-tulong ang mga tauhan ng DENR, Manila Local Government Unit (LGU) at MPD para maiwasan ang kumpulan ng tao.
Patuloy rin ang paalala na iwasan ang pagdadala ng pagkain, alagang hayop at iwasang magkalat habang nasa loob ng dolomite beach.