Naghain na rin ng Petition for Certiorari and Prohibition sa Korte Suprema ang ilang mga pari at madre na miyembro ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines o AMRSP at mga miyembro ng Catholic Laity.
Anila, naiiba ang kanilang petisyon dahil binibigyang-diin dito ang paglabag ng Anti-Terrorism Law sa “freedom of religious expression” ng Simbahan kaya marapat anilang ideklara itong “unconstitutional.”
Dahil din anila sa naturang batas, ang misyon ng Simbahan ay nahahadlangan at apektado sa negatibong paraan.
Ayon kay Father Angelito Cortez, executive secretary ng AMRSP, hindi kailangan ng bansa ng isa na namang “inhumane and opprossive law.”
Ang kailangan aniya ng bansa ngayon ay mga batas na magdadala ng hustisya, kapayapaan at integridad.
Dagdag pa ni Father Cortez, ang mga taong Simbahan ay “servants” ng Panginoon at hindi mga terorista.
Una nang itinakda ng Korte Suprema sa susunod buwan ang oral arguments sa mga petisyon na unang inihain ng iba’t ibang sektor.