Ilang mga pasahero, maagang nagtungo sa Manila North Port Passenger Terminal, kahit mamayang gabi pa ang biyahe

Photo: Radyoman Emman Mortega | Manila North Port Passenger Terminal

Maagang nagtungo sa Manila North Port Passenger Terminal ang ilang mga pasahero patungong Visayas at Mindanao kahit mamayang gabi pa ang kanilang biyahe.

Giit ng ilang mga pasahero, mas maigi na umano na sa terminal sila maghintay kaysa maipit sa pagsikip ng daloy ng trapiko.

Kaugnay nito, nananatili pa ring alerto at naka-monitor ang mga tauhan ng Philippine Ports Authority (PPA) kung saan inaasahan nila na aabot pa ng dalawang milyon ang bilang ng mga pasaherong daragsa sa mga pantalan ngayong long weekend.


Sa monitoring ng PPA mula March 22 hanggang kahapon, nasa halos 700,000 na pasahero ang kanilang na-monitor sa pantalan.

Ayon kay Eunice Samonte, tagapagsalita ng PPA, ngayon hanggang bukas ay inaasahan nila ang daily average passenger na aabot sa 300,000 sa mga port sa buong bansa.

Para naman maging komportable ang mga pasahero, maaari silang maghintay sa waiting area o kaya sa loob ng terminal habang mayroon nakalaan na lugar para sa mga PWD, senior citizen, mga buntis at may dalang bata.

24/7 naman ang pagbabantay ng mga security personnel at mga naka-duty na kawani ng PPA sa Malasakit Help Desks.

Facebook Comments