Hindi sang ayon ang ilang mga pasahero ng jeep sa Dagupan City ukol sa hinihiling ng ilang mga transport group na dagdag pasahe bilang pambawi sa hindi matapos tapos na serye ng oil price hike.
Ayon sa kanila, mataas na umano ang dose pesos na pamasahe nila sa jeep at depende pa sa layo ng kanilang pupuntahan.
Idagdag pa umano ang mga nagtataasang presyo ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng bigas at gulay na siyang pinoproblema rin nila sa pagba-budget.
Ang ilan naman tulad ng mga estudyante hindi naman na bago umano sa kanila kung magtatataas ang pamasahe dahil nangyayari naman ito taon-taon dahil sa iba’t ibang krisis na nararanasan at nabibigyan naman umano sila ng discount ng mga jeepney drivers sabay sa mga senior citizen.
Sagot naman ng ilang jeepney drivers, hiling lamang nila na kahit madagdagan sana ng kahit piso ang singil nila sa pasahe dahil malaking tulong na rin umano para sa kanila iyon bilang pambawi sa pagbili nila ng produktong petrolyo.
Sa ngayon, kahit pa nararanasan ang oil price hike ay tuloy pa rin sa pasada ang ibat ibang transport group, mapa modern jeep man o traditional jeep dahil sa inaabangan rin nila ang subsidy na ipapamahagi ng LTFRB. |ifmnews
Facebook Comments