Patuloy na dumadagsa sa Manila Northport Passenger Terminal sa lungsod ng Maynila ang ilang mga pasahero na nais makauwi sa kani-kanilang probinsiya para magdiwang ng Bagong Taon.
Pero ilan sa kanila ay nadismaya dahil sa nangyaring kanselasyon ng kanilang mga biyahe.
Ilan sa mga pasahero ay kasama pa ang kanilang mga anak na galing pa ng North Luzon at Bicol Region.
Nabatid na mamaya sana ang biyahe ng mga ito patungong Bacolod City pero nalipat bukas, December 31 base sa inilabas na abiso ng Manila Northport Passenger Terminal.
Ang iba sa mga pasahero, partikular ang patungong Cebu ay nagre-reklamo dahil sa wala umano silang natanggap na abiso hinggil sa kanselasyon ng kanilag biyahe.
Huli na nang malaman nila na sa darating na January 2, 2022 pa itinakda ang kanilang biyahe.
Paliwanag naman ng ilang tauhan ng nasabing terminal, maaga pa lamang ay naglalabas o nagpapadala na sila ng abiso sa pamamagitan ng e-mail at text messages base sa ibinahaging impormasyon ng mga pasahero na nag-book sa kanila.
Ang iba namang pasahero na nananatili sa labas ng terminal ay pawang mga walang booking o mga chance passenger na umaasang makakakuha ng slot sa biyahe.