Stranded ang mga pasahero ngayon sa mga pantalan sa Sorsogon at Cebu matapos ianunsyo ng Philippine Coast Guard (PCG) na suspendido ang mga biyahe ng mga barko dahil sa Bagyong Agaton.
Nasa 1,000 pasahero ang hindi makababiyahe sa Matnog Port sa Sorsogon patungong area ng Visayas.
Ang ilan doon ay uuwi sa kani-kanilang lalawigan para samantalahin ang bakasyon ngayong Semana Santa.
Nasa 502 na pasahero naman sa Eastern Visayas ang naitalang stranded partikular sa mga pantalan ng Liloan, San Ricardo, Ormoc, Isabel, Bato, Balwarteco, Sta. Clara, Dapdap, San Isidro at Tacloban bunsod na rin ng masamang lagay ng panahon.
Sa kabila nito, nakapagtala pa rin ang PCG ng 13,640 outbound passengers at 10,421 inbound passengers sa ibang mga pantalan sa buong bansa.
Ito’ y sa ilalim ng Oplan Biyaheng Ayos: SEMANA SANTA 2022 kung saan patuloy na naka-monitor ang PCG sa pagdagsa ng mga pasahero sa mga pantalan.