Ilang mga pasahero, unti-unti nang dumadagsa sa Manila North Port Passenger Terminal sa lungsod ng Maynila

Unti-unti nang dumadagsa ang mga pasahero sa Manila North Port Passenger Terminal sa lungsod ng Maynila, ngayong araw ng Huwebes.

Ang mga pasahero na ito ay planong mag-uwian sa kani-kanilang probinsya upang doon magdiwang ng Pasko at Bagong Taon kung saan kaniya-kaniya muna silang pwesto sa labas ng terminal.

Ang iba sa kanila ay may mga dalang malalaking bagahe habang ang ilan ay may bitbit na appliances at mga alagang hayop.


Nakatakdang bumiyahe ngayong araw ang mga patungong Cebu, Cagayan, Bacolod, Iloilo at Bohol.

Pero ayon sa abiso ng Manila North Port, may mga pasahero na nagpupunta na ngayong araw kahit bukas pa ang kanilang biyahe kung kaya’t hindi muna sila pinapapasok sa loob ng terminal.

Tanging ang mga pinapapasok ay ‘yung mga pasaherong bibiyahe ngayong araw o mga tinatawag na “priority passengers” habang ang mga hindi pa bibiyahe ay sa labas na lamang muna maghihintay.

Bukod dito, hindi hinihimok ng Manila North Port ang mga pasahero na mag-overnight sa terminal pero ang iba sa mga magtutungo rito ay handang maghintay sa labas dahil galing pa ang iba sa kanila sa North at South Luzon.

Iginigiit ng ilang mga pasahero na mahihirapan lamang sila kung hindi maagang magtutungo sa terminal lalo na’t pahirapan din ang booking ilang araw bago ang Pasko.

Facebook Comments