Ilang mga personnel ng MPD, binigyang parangal sa selebrasyon ng ika-120 na anibersaryo nito

Ipinagdiriwang ngayon ng Manila Police District (MPD) ang ika-120 na anibersaryo ng kanilang pagkakatatag.

Pinangunahan mismo nina Police Brigadier General Leo Francisco at Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang seremoniya sa pamamagitan pag-aalay ng bulaklak sa kinikilalang mga bayani ng MPD.

Ang tema ngayong taon sa anibersaryo ng MPD ay “Sang Siglo’t Dalawang Dekada ng Maipagkakapuri, Pamamarisan at Dangal ng Paglilingkod sa ka-Maynilaan na Pinatatag ng Pandemya at Pagsubok”.


Kasama rin sa aktibidad ng selebrasyon ay ang pagbibigay parangal sa mga pulis mula sa iba’t ibang istasyon ng MPD at sa mga stakeholders nito.

Muling ipinaalala ni MPD Chief General Francisco sa mga tauhan nito na gawin ng tama ang kanilang trabaho at palaging ipatupad ang batas ng nararapat habang nagpasalamat naman si Moreno sa patuloy na paglilingkod ng MPD at suporta ng mga ito.

Kasama namang dumalo sa selebrasyon si Manila Vice Mayor Honey-Lacuna Pangan at dating MPD chief at ngayon director ng PNP-SAF na si Police Major General Bernabe Balba.

Pasado alas-10:00 naman ng umaga nang buksan sa motorista ang isinarang bahagi ng U.N. Avenue mula San Marcelino Street hanggang Taft Avenue na tapat ng headquarters ng MPD.

Facebook Comments