May ilang mga polling precint sa lungsod ng Maynila ang hindi pa nakakatapos sa final testing at sealing ng mga vote counting machine (VCM) na gagamitin sa halalan.
Ayon kay Atty. Gregorio Bonifacio ang election officer at head of canvassers ng Commission on Elections o COMELEC-Manila, nasa 21 na polling precint na hindi pa nakakakumpleto sa FTS.
Ito ay maliit na bilang na lamang kumpara sa 87 polling precint sa lungsod ng Maynila kung saan 1,859 na VCMs ang kabuuang bilang ng gagamitin ng COMELEC-Manila.
Dagdag pa ni Atty. Bonifacio, kaya hindi pa natapos ang FTS sa 21 na mga presinto ay dahil sa “malfunction” o aberya sa VCMs o kaya’y “error” sa SD cards.
Sa ngayon, sinabi ni Atty. Bonifacio na na-repair na ang mga VCM habang ang mga SD card ay dadalhin sa warehouse ng COMELEC sa Sta. Rosa, Laguna para sa reconfiguration.
Tiniyak naman ni Atty. Bonifacio na tuloy-tuloy ang trabaho ng COMELEC-Manila at hangad nila na maplantsa na ang lahat upang maging maayos ang idaros na botohan sa Lunes.