Friday, January 23, 2026

Ilang mga residente, inirereklamo na ang ginagawang drainage sa Tayuman, Tondo

Ilang mga residente, inirereklamo na ang ginagawang drainage sa Tayuman, Tondo

Umaalma na ang mga residente at motorista sa perwisyong dulot ngayon ng hindi pa matapos-tapos na ginagawang drainage sa bahagi ng Tayuman, mula Dagupan Street hanggang Juan Luna sa Tondo, Maynila.

Reklamo ng mga residente, halos isang taon na umanong ginagawa ang proyekto ngunit hindi pa rin ito natatapos.

Giit nila, wala rin umanong nakapaskil na impormasyon kung sino ang kontratista ng proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Paliwanag pa ng mga residente, kakaunti o halos walang inilagay na barrier sa paligid ng drainage kaya’t delikado ito lalo na sa mga naglalakad na estudyante at mga motorista.

Bukod dito, nagdudulot na rin ang proyekto ng mabagal na usad ng trapiko dahil napipilitan ang mga sasakyan na umiwas sa bukas na drainage at mga debris sa kalsada.

Nanawagan ang mga apektadong residente sa DPWH at lokal na pamahalaan na solusyunan at tapusin ang drainage upang maiwasan ang aksidente at maging maayos ang lagay ng trapiko sa lugar.

Facebook Comments