Cauayan City, Isabela- Hayagang sinabi ni Ret. Col Pilarito Mallillin, pinuno ng Public Order and Safety Division (POSD) sa Lungsod ng Cauayan na ilan sa mga residente ng barangay District 3 ay maituturing na mga pasaway.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ret. Col. Mallillin, kanyang sinabi na marami sa mga residente ng brgy District 3 sa Lungsod ang hindi sumusunod sa kanilang mga ipinatutupad na protocols sa kabila ng tumataas na bilang ng naitatalang kaso ng COVID-19.
Malakas pa rin aniya ang loob ng ilan sa mga residente lalo na ang mga kabataan dahil lumalabas pa rin kahit na nakasailalim sa Calibrated lockdown ang kanilang Purok.
Ayon pa kay Ret. Col Mallillin, huwag maging kampante dahil wala pang COVID-19 vaccine at ito ay ipinoproseso pa lamang ng gobyerno.
Nananawagan naman ito sa mga opisyal ng barangay na gawin ang kanilang trabaho upang mabantayan ng mabuti ang mga residenteng pasaway na lumalabag sa mga protocols.
Dapat aniya na striktuhan ang pagpapatupad ng Calibrated lockdown sa lugar upang ma-contain at mapigilan ang posibleng pagkalat ng virus sa lugar.
Ang barangay District 3 ay isa sa mga barangay sa Lungsod ng Cauayan na may maraming aktibong kaso ng COVID-19 kung saan umaabot na sa 117 ang total active cases sa syudad.