Ilang mga residente ng Brgy. Northbay Boulevard North sa Navotas City, hindi muna pinababalik matapos maganap ang ammonia leak na sinundan pa ng sunog

Hindi pa rin pinababalik sa kani-kanilang mga tahanan ang mga residente ng Brgy. Northbay Boulevard North sa Navotas City matapos maganap ang ammonia leak mula sa isang cold storage facility na sinundan pa ng sunog.

Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) Navotas, alas-11:09 ng gabi ng itawag ng ilang residente ang nangyaring ammonia leak kung saan alas-12:06 ng hatinggabi ng mangyari ang sunog.

Ayon kay Navotas City Fire Marshal Supt. Jude Delos Reyes, dahil sa lakas ng pressure mula sa pipe kung saan sumisingaw ang ammonia, nagkaroon ng pagsabog at tuluyang nagkasunog na umabot sa ikatlong alarma.


Aniya, pahirapan silang maisara ang valve kung saan lumalabas ang ammonia pero nagawa nila itong isara ng Ala-1:42 ng madaling araw.

Ala-1:57 naman ng madaling araw ng ideklarang fire out ang sunog pero hindi na muna pinabalik ang mga residente na nasa 200-300 meters radius para masiguro na ligtas at wala ng amoy ng ammonia.

Nabatid na isa ang naitalang sugatan sa insidente habang 11 residente ang dinala sa Tondo Medical Center at 12 naman sa Navotas City Hospital matapos makaramdam ng pagkahilo kung saan ang iba ay hinimatay dahil sa ammonia leak mula sa naturang cold storage facility.             `

Facebook Comments