Ilang mga residente ng Maynila, nagrereklamo sa paniningil ng “overnight-parking fee”

Inirereklamo ng ilang mga residente ng lungsod ng Maynila ang naging hakbang ng lokal na pamahalaan hinggil sa paniningil ng overnight-parking fee.

Karamihan sa mga residente na may-ari ng mga sasakyan ay iginigiit na wrong timing ang paniningil dahil hindi pa raw sila lubusang nakakaahon sa epektong dulot ng pandemya sa kanilang kabuhayan.

Bukod dito, iginigiit ng mga residente na patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin kaya’t magiging dagdag pasakit ang paniningil ng overnight-parking fee at sana ay nagkaroon man lang daw ng konsiderasyon ang Manila LGU.


Nabatid na naglabas ang lokal na pamahalaan ng Maynila ng isang memorandum sa mga opisyal ng barangay para sa paniningil ng parking fee sa mga sasakyan na pumaparada sa mga kalsada sa buong magdamag.

Paliwanag naman ni Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Mayor Honey Lacuna, matagal nang ipinapatupad ang paninigil sa ilalim ng City Ordinances Nos. 8092 at 7773 kung saan kailangang kumuha ng “overnight parking permit” ang mga may-ari ng sasakyan na pumaparada sa kalsada, bangketa, o anumang parte ng pampublikong lugar.

Aniya, taong 2000 pa ng maaprubahan ang nasabing ordinansa at muli lang nila itong ipinatupad.

Sa ilalim ng ordinasa, ang mga may kotse o jeep ay magbabayad ng P300 kada tatlong buwan P450.00 sa mga buses at trucks; P20.00 kada isang gabi sa container vans at trailers habang ang overnight application forms ay P15.00.

Facebook Comments