Sa kabila ng abiso at paalala ng mga otoridad, nasa higit 40 na residente ang hinuli matapos na lumabag sa ipinatupad na 24-hour total shutdown sa Barangay 20, Parola Compound, Tondo, Maynila.
Dalawa sa mga ito ay pawang mga menor de edad habang ang ilan ay may kaniya-kaniyang palusot saka sinabing hindi nila alam na may total shutdown.
Ang mga nahuling lumabag ay kasalukuyang nasa Tondo Sports Complex kung saan mananatili sila dito hanggang matapos ang 24-hour total shutdown pero paiiralin pa din ang social distancing habang sila ay nasa loob.
Tinatayang aabot sa 150 pulis at sundalo kasama ang 50 tanod at opisyal ng Barangay ang nagbabantay at nag-iikot para masigurong mananatili sa loob ng kanilang tahanan ang mga residente.
Isasagawa din ngayong umaga ng Manila Health Department ang disease surveillance, testing and rapid risk assessment operations sa naturang Barangay upang masigurong walang sintomas ng COVID-19 ang lahat ng mga nakatira dito.
Matatandaan na ipinatupad ang Executive Order No. 19 o ang 24-hour total shutdown sa Barangay 20 na nagsimula alas- 8:00 ng gabi kagabi hanggang alas- 8:00 mamayang gabi matapos lumabag sa ipinapairal na Enhanced Community Quarantine kung saan nagsagawa ang ilan sa mga ito ng palarong boxing at pa-bingo.