Ilang mga residente sa may bahagi ng Antipolo Street sa lungsod ng Maynila, may apela sa gagawing demolisyon sa kanilang mga tirahan

Umaapela ang mga residente sa may bahagi ng Antipolo Street sa lungsod ng Maynila hinggil sa planong demolisyon ng kanilang tirahan.

Ito ay dahil sa planong North Luzon Express Way at South Luzon Express way o NLEX-SLEX skyway connector project ng pamahalaan sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kung saan nasa 146 na bilang ng bahay ang gigibain.

Partikular ang mga kabahayan sa Brgy. 503, 505, 507 at 5091 sa Sampaloc, Maynila mula España Blvd. hanggang Dapitan Street.


Ayon kay Jojo Eleazar na siyang presidente ng Bagong Lipunan Community Association, hindi sila tutol sa gagawing demolisyon pero sana ay mabigyan muna sila ng sapat na kompensasyon.

Batid din ng kanilang samahan na wala silang magiging relokasyon pero sana ay bigyan muna sila ng pagkakataon lalo na at nasa gitna pa ng COVID-19 pandemic.

Nabatid na karamihan ng mga bahay na nandirito ay itinayo sa ilalim ng Bagong Lipunan Improvement of Sites and Services o BLISS Housing Program na naging proyekto ni dating first lady Imelda Marcos.

Halos lahat ng nakatira dito ay pawang mga naging empleyado ng gobyerno kung saan 40 taon na silang nakatira dito pero ang kanilang naging kontrata sa National Home Mortgage ay nasa 50 taon subalit karamihan ay nakabayad na ng halos 80 porsyento.

Napag-alaman na nitong buwan na ito nakatakdang gibain ang mga nasabing bahay kaya’t nananawagan sila sa mga kinauukulan partikular kay Mayor Isko Moreno na bigyang pansin ang kanilang hinaing.

Facebook Comments