Ilang mga residente sa Maynila, umaalma sa ginawang pagpapasara ng kanilang tahanan

Umalma ang ilang mga residente ng Brgy. 203, Zone-18 sa Tondo, Maynila matapos barikadahan ang tapat ng kanilang bahay.

Ito’y matapos ang ibinigay na 10 araw na taning ng sheriff ng korte base na rin sa inilabas na demolition order.

May ilang indibidwal at mga bata ang nasa loob pa ng kanilang tahanan ng takpan ng yero ang kanilang mga bahay kung saan nasa 50 pamilya ang maaapektuhan.


Iginigiit ng mga residente na walang malinaw na dokumento at peke ang ipinapakitang “notice to vacate” ng sherrif habang napasugod na sa lugar sina District II Rep. Rolan Valeriano, Coun. Macky Lacson at Coun. Awi Sia para makiusap na huwag ng ituloy ang demolisyon.

Nabatid na una nang naghain ang konseho ng resolusyon na babayaran ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang mga kinatitirikan na bahay ng mga informal settler.

Nagkaroon pa ng sagutan sa pagitan nina Cong. Valeriano, dalawang konsehal kontra sa sheriff dahil sa walang malinaw na dokumento hinggil sa demolisyon kung saan iginigiit nila na nagpasa na rin sila ng ordinansa na wala munang gibaan na mangyayari ngayong panahon ng pandemya.

Facebook Comments