
Umaalma ang ilang mga residente ng Brgy. 262 at 264 sa Tondo, Maynila sa planong iligal na demolisyon ng kanilang mga bahay.
Partikular sa Masangkay kanto ng Mayhaligue Street na katabi lamang ng Metropolitan Medical Center.
Nasa halos 400 na pamilya o higit 1,000 indibidwal ang maapektuhan kung saan higit 100 bahay ang nakatakdang gibain.
Ayon kay Ruby Dela Cruz, presidente ng Kapitbahayan ng Mayhaligue Neighborhood Association, pag-aari ng isang Señora Viktoria Linchauco ang lupa na kinatitirikan ng kanilang mga bahay kung saan ilang dekada na sila nakatira dito.
Nagulat na lamang sila ng may inihain na demolition order mula sa Korte kung saan nabili na ang lupa ng Ethan Realtyt Corporation.
Giit ni Nanay Ruby at ng mga residente, dalawang beses na ibinasura ang kaso kaya’t itinuturing nila na iligal ang demolisyon.
Sa ngayon, nakabarikada ang mga residente at ni-lock na nila ang gate habang mahigpit na seguridad ang ipinapatupad ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD).









