Naniniwala ang ilang mga retailer ng bigas sa lungsod ng Maynila na malaking tulong ang Executive Order (EO) No. 39 ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., para mapigilan ang pananamantala, hoarding at smuggling ng bigas sa bansa.
Ayon sa ilang mga retailer, sa ganitong paraan ay mas bababa pa ang presyo ng pag-angkat ng bigas kung saan mas maraming klase ng bigas ang maibebenta sa merkado lalo na ang ₱41.00 hanggang ₱45.00.
Naniniwala rin sila na may sapat na suplay ng bigas sa bansa pero dahil sa hoarding at smuggling ng mga mapagsamantalang negosyante, kakaunti o limitado ang naibebenta sa merkado.
Kung maalala, iniulat ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na dahil sa hoarding at smuggling ay namamanipula ng mga kartel ang presyo ng bigas sa bansa.
Matatandaan din na may sapat na supply ng bigas dahil may 64 days na stock at taon-taon naman ay nasa 19 million Metric Tons ang local production ng bigas na katulad din ng sitwasyon ng bansa bago mag-pandemic.