Ilang mga samahan ng mga health workers, nanawagan na palawigin pa ang pagbibigay tulong sa kanilang mga kasamahang tinamaan ng COVID

Umapila sa Senado at Kamara ang grupong Alliance of Filipino Workers na ipagpatuloy o palawigin pa pagkatapos ng June 30 ang pagbibigay tulong sa public at private healthcare workers na lubhang tinatamaan ng COVID-19 infection habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin.

Ayon kay Alliance of Filipino Workers President Willy Pulia na isa ring nursing aid sa Makati Medical Center, dapat mabigyan ng tulong ang mga health workers na lubhang tinamaan ng COVID-19 ng halagang ₱100,000 kabayaran, at sa oras naman ng kanyang kamatayan dapat ay babayaran ng ₱1,000,000 para sa kanyang mga naulila.

Paliwanag naman ni Nagkaisa Labor Coalition Chairperson Atty. Sonny Matula, kinikilala ng kanilang grupo ang hirap na nararanasan ng mga healthcare workers ngayong may pandemya.


Giit naman ni Trade Federation Chairperson Manuel Payao ng Hospital and Educational Institutions Unions of the Federation of Free Workers, napapanahon nang makilala ng gobyerno ang mga sakripisyo ng mga health workers kaya dapat umanong mabigyan sila ng ₱100,000 pesos na compensation at ₱1 million naman sa mga nasawi.

Hinikayat naman ni Atty. Matula ang pamahalaan na bigyan ng hazard pay ang mga frontline workers at quarantine leave sa lahat ng mga suspected at mga tinatamaan ng COVID- 19.

Facebook Comments