
Dumating ngayong umaga sa Department of Justice (DOJ) ang mga sinibak na assistant district engineer ng Bulacan 1st Engineering District na sina Brice Ericsson Hernandez at Jaypee Mendoza.
Ito ay para sa patuloy na evaluation sa kanila sa Witness Protection Program ng DOJ.
Bukod sa dalawa, dumating din sa DOJ ang kontratista na si Curlee Discaya.
Kasama sila sa mga itinuturing na protected witnesses ng DOJ kaugnay sa anomalya sa flood control projects.
Una nang nilinaw ni dating Secretary of Justice at ngayon ay bagong hirang na Ombudsman Jesus Crispin Remulla na hindi nangangahulugang lusot sa kaso ang mga protected witnesses.
Paliwanag ni Remulla, kailangan pang mapatunayan ng mga ito na matibay at makatotohanan ang kanilang mga testimonya at ebidensiyang isusumite bilang bahagi ng pagsusulong ng kaso sa korupsyon at anomalya sa proyekto.
Bukod sa kanila, kabilang din sa mga itinuturing na protected witnesses sina Sarah Discaya, Engr. Henry Alcantara, Sally Santos, at dating Undersecretary Roberto Bernardo.









