Sinimulan na ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang pag-clamp ng mga sasakyan na nakaparada sa mga pangunahing kalsada sa lungsod na nagiging dahilan ng traffic at aksidente sa lugar.
Sa kabila ng paalala ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso hinggil sa ilegal na pagpaparada kahit pa may kaluwagan ang kalsada dahil sa pinapairal na General Community Quarantine (GCQ), nasa 20 sasakyan pa rin ang na-clamp sa isinagawang operasyon sa iba’t ibang lugar sa lungsod kabilang na ang U.N. Ave., Blumentritt, Padre Faura, Ermita at Sta. Cruz.
Nabatid na patuloy na lumalabag sa nasabing panuntunan ang mga motorista sa kabila ng paulit-ulit na abiso ng lokal na pamahalaan kaya’t nag-desisyon na sila na bigyan ang mga ito ng kaukulang parusa.
Sa mga may-ari naman ng sasakyan na naka-clamp, maaaring magbayad ng multa sa tanggapan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ng halagang ₱900 upang maialis na nila at maiparada sa tamang lugar.
Sakali naman magmatigas at ayaw magbayad, mapipilitan ang lokal na pamahalaan na i-impound ang mga naturang sasakyan.
Samantala, umabot na sa 79 ang na-impound ng MTPB na mga tricycle, pedicab at e-trike na inireklamo dahil sa sobra-sobrang paniningil sa kanilang pasahero.
Dahil dito, muling nanawagan ang lokal na pamahalaan na huwag sanang abusuhin ng mga driver ang pagkakataon lalo na’t hirap pa rin ang ilan sa kanilang sitwasyon dahil sa patuloy na banta ng COVID-19.