Naniniwala ang ilang mga senador na epekto ng reclamation sa Manila Bay ang mala-dagat na baha ngayon sa labas ng Senado dahil pa rin sa patuloy na malakas na pagulan na dala ng Bagyong Carina at habagat.
Umabot hanggang tuhod ang baha sa labas ng Senado at pinasok na rin ng baha ang “outside parking area” na nasa loob ng gate ng mataas na kapulungan.
Ayon kay Senator Migz Zubiri, panibagong disaster nanaman ang malakas na ulan na ito para sa ating mga kababayan.
Naniniwala si Zubiri na posibleng dahil sa reclamation sa Manila Bay kaya wala nang malabasan ng tubig baha sa Pasay at Manila kaya asahan na tuwing malakas ang ulan ay palaging babaha na sa nasabing bahagi ng Senado.
Pinuna naman ni Senator Joel Villanueva na sa nakalipas na dalawang taon mayroong P1 billion kada araw na pondo para sa flood control project ang Department of Public Works and Highways (DPWH).
Dahil sa reclamation tila nabalewala ang mga proyekto na layong maibsan ang baha sa maraming lugar sa Metro Manila.
Binigyang-diin naman ni Villanueva na mahalagang pagtuunan ng pansin ngayon ang kaligtasan at access sa pagkain ng mga kababayang apektado ng baha.