Nagkumento ang ilang senador hinggil sa mga binanggit na plano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Para kay Senator President Pro-Tempore Loren Legarda, ang naging talumpati ni Marcos ay komprehensibo at nakaka-inspire.
Sinabi naman ni Senator Sherwin Gatchalian na naging malinaw ang pangulo sa pagtukoy ng problemang kinakaharap ng bansa katulad ng ekonomiya, edukasyon at inflation.
Inilarawan naman ni Senator Chiz Escudero ang talumpati na “well-crafted” sa mga detalye ng kaniyang layunin sa lehislatura ngunit naging tahimik pagdating sa peace and order.
Para naman kay Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. ay natalakay ng punong ehekutibo ang iba pang isyu na nakakaapekto sa bayan katulad ng social welfare, environment, climate change, labor at maging ang kapakanan ng mga OFWs.
Nagpahayag naman ng suporta si Senator Jinggoy Estrada sa panukala ni Marcos na buhayin ang mandatory Reserve Officers’ Training Corps o ROTC.
Siniguro naman ni Senator Sonny Angara kay makakaasa si Marcos sa senado sa pagsusulong ng mga batas na kaniyang nais iprayoridad.
Umaasa naman si Senator Grace Poe na maibabalik ng Marcos administration ang mga railway projects upang mabigyan ang taumbayan ng mas mabilis, ligtas at mas malawak na kapasidad na transport system.
Naging “To Do List” naman para kay Senator Nancy Binay ang mga binigyang-diin na agenda ng Pangulo na siyang pagtatrabahuhan ng Kongreso sa susunod na tatlong taon.
Umaasa rin si Senator Pia Cayetano na siyang sasama sa independent bloc ng senado na magiging open-minded si Pangulong Marcos Jr. partikular sa pagbuo ng mga specialty hospitals dahil para sa senador ay mas cost effective kung ilalagay ito sa ilalim ng mga regional hospitals.