Ilang mga senador, umalma sa naging pahayag ng China sa balak na pagdaragdag ng mga EDCA sites

Pumalag ang ilang mga senador sa pahayag ng China na malalagay sa alanganin ang Pilipinas sa ilalim ng karagdagang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites dahil makakaladkad umano tayo sa isyu ng Taiwan.

Ayon kay Senatro JV Ejercito, wala na siyang tiwala sa China at sa gobyerno nito.

Ito ay dahil taliwas palagi ang ginagawa ng China sa kanilang mga nagiging pahayag.


Pinangangalandakan aniya ng China na kaibigan sila ng Pilipinas pero salungat naman ang kanilang ginagawa dahil ang kanilang mga aksyon ay agresibo at mistulang kaaway o kalaban ng bansa.

Tinukoy ni Ejercito na hindi lang mga mangingisda kundi pati ang mga tauhan na ng Philippine Coast Guard at Philippine Navy ay nakararanas ng pambu-bully at pangha-harass ng China.

Iginiit ng senador na dapat magpakita ng sensiridad at pagrespeto sa ating soberenya at sa ating teritoryo ang China para pagkatiwalaan natin sila.

Samantala, sinabi naman ni Senator Chiz Escudero na bago mamuna ang China ay dapat manalamin muna sila.

Ang mga ginagawa aniya ng China sa Taiwan at sa West Philippine Sea ay pagmamaliit na sa katatagan ng rehiyon.

Hindi aniya tayo dapat matakot sa China dahil mayroong karapatan ang bansa at ang iba pang sovereign nation na magsulong ng foreign policy na tumutugon sa ating pambansang interes.

Hindi rin aniya maituturing na pagiging kaibigan ang ginawa nilang babala sa ating bansa.

Facebook Comments