Hindi lamang limitado sa mga police officer ang iniimbestigahan ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) na may kinalaman sa kumalat na pekeng full alert police memorandum.
Ito ang inihayag ngayon ni PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo kasunod ng patuloy na imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pinagmulan ng kontrobersyal na classified document na nagdulot ng pangamba at kalituhan sa publiko noong weekend.
Sa panayam ng media sa Kampo Krame, sinabi ni Fajardo na kasama na rin ang ilang mga sibilyan sa iniimbestigahan ng PNP-ACG.
Ito ay dahil nag-post din aniya ang mga ito sa kani-kanilang mga social media account ng kwestyunableng dokumento.
Kahapon ay una nang sinabi ni Fajardo na identified na nila ang mga taong may kinalaman sa pekeng memo bagama’t ayaw pang magbanggit ng pangalan.
Hiningan na rin ng PNP-ACG ng paliwanag ang mga police officer na ang mga pangalan ay nasa memorandum kabilang na si PLt. Col. Dexter Ominga ng PNP police regional office sa Cordillera.
Matatandaang uminit ang usapin ng umano’y destabilization plot noong Sabado kasabay ng turn-over of command sa liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP).