Inihayag ng Bureau of Immigration (BI) na halos lahat ng kanilang mga empleyado na nasa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay negatibo sa COVID-19.
Sinabi ni BI port operations chief Grifton Medina, nag-negatibo sa COVID-19 ang nasa 998 BI personnel na nakatalaga sa NAIA batay sa resulta sa isinagawang rapid mass testing sa Terminal 3 simula nitong nakaraang buwan.
Ang 12 empleyado naman na nagpositibo sa rapid testing ay nag-negatibo sa isinagawang confirmatory test o swab test.
Nasa 28 mula sa 1,026 bilang ng BI personnel na naka-deploy sa paliparan ang hindi pa sumasailalim sa pagsusuri.
Gayunpaman, inabisuhan na nila ang mga ito na magpa-COVID test sa mga accredited government o private medical facility dahil hindi sila papayagan bumalik sa trabaho hangga’t hindi nagpapakita ng resulta.
Tiniyak naman ni Medina na lagi nilang pinaaalalahanan ang kanilang mga BI frontliners sa premiere port na magdoble-ingat at sumunod sa mga health protocols upang maiwasan ang COVID-19 habang sila ay nasa oras ng trabaho.