Ilang mga tauhan ng Lokal na Pamahalaan ng Maynila, sinimulan na ang pag-iikot sa lungsod para magbigay paalala sa publiko

Sinimulan na ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) ang pag-iikot sa ilang bahagi ng lungsod ng Maynila.

Ito’y para paalalahanan ang mga residente sa lungsod hinggil sa pagbabawal sa paggamit ng anumang klase ng paputok sa pagsalubong ng Bagong Taon.

Kasama ng MDRRMO sa pag-iikot ang ilang tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) kung saan iniikot din ng lokal na pamahalaan ang mga bagong 12 high-end na ambulansya at ilang mga fire trucks.


Ang motorcade na isinasagawa ng MDRRMO at MTPB ay bahagi ng “Iwas-Paputok campaign” habang paalala nila na ang pagpapaputok ay nagiging sanhi rin ng sunog.

Pinapaalalahanan din ang publiko na mag-doble ingat dahil hindi pa rin nawawala ang banta ng COVID-19 na posibleng tumaas ang kaso kung magpapabaya ang bawat isa.

Una nang hinihimok ni Mayor Isko Moreno ang mga residente sa lungsod ng Maynila na huwag ng bumili ng mga paputok upang makaiwas sa disgrasiya, sa sunog at makatipid na rin sa pagpasok ng Bagong Taon.

Facebook Comments