Pinili pa ring pumasada ng ilang jeepney driver na hindi pa nakapag-consolidate kahit pa kasado na ang tigil-pasada ng grupong PISTON at MANIBELA ngayong araw.
Ayon sa Samahang Tsuper sa Southern Part ng Metro Manila, kahit pa wala umanong mga estudyante sa kabila ng kanseladong klase ay iniisip pa rin nila ‘yung mga pasaherong papasok ng trabaho.
Lalo na ngayong nararanasan ang sobrang init ng panahon.
Hahabol na lamang daw sila na makapag-consolidate para magtuloy pa ang kanilang prangkisa dahil mayroon pa namang dalawang linggo bago ang deadline sa Abril 30.
Sa ngayon, ay hindi pa ramdam ng ilang pasahero ang kawalan ng jeep na bumibiyahe dito sa Pasay, gaya rutang Baclaran, Alabang- Muntinlupa, FTI at Taguig.
Samantala, nagpakalat naman ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng nasa 200 sasakyan para sa libreng sakay bilang pag-alalay pa rin sa posibleng maaapektuhan ng tigil-pasada.