Bigo pa rin na makasingil ng dagdag-pasahe ang ilang mga tsuper ng jeep na byaheng San Juan hanggang Divisoria.
Hinihintay pa kasi ng mga ito na ma-release sa kanilang mga operator ang fare matrix o taripa mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Umaasa ngayon ang mga tsuper na makakakuha na sila ng fare matrix ngayong linggo, dahil malaking bagay anila ito para madagdagan ang kanilang kita.
Batay sa kautusan ng LTFRB, ipinagbabawal ang paniningil ng itinakdang umento sa pamasahe kapag walang nakapaskil na fare matrix sa mga pampublikong sasakyan.
Samantala, ayon kay Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) General Secretary Ruben Baylon, nasa 60% pa ng mga operator sa National Capital Region (NCR) ang hindi pa nakakakuha ng fare matrix mula sa LTFRB.