Matagumpay na naiparehistro ang ilang mga undocumented na Pinoy sa Sabah, Malaysia.
Ito’y sa isinagawang kauna-unahang Special Consular Missions ng Embahada ng Pilipinas sa Kuala Lumpur katuwang ang Philippine Statistics Authority (PSA).
Kasama rin sa programa ang Philippine Overseas Labor Office (POLO) kung saan binisita nila ang iba’t ibang plantasyon sa Sabah na maraming mga nagtatrabahong Pinoy.
Dito ay nakausap ang mga employer at manggagawa kaugnay sa kanilang employment contracts verification.
Layunin ng nasabing hakbang ay matulungan ang mga hindi rehistradong Pinoy sa Sabah na maiparehistro na at maregular sa kanilang trabaho.
Ito naman ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga dokumento ng kanilang pagkakakilanlan tulad ng birth certificate, passport at national ID.
Dahil dito ay naiparehistro na ang nasa 4,100 Pinoy na manggagawa mula sa iba’t ibang plantasyon sa naturang bansa.