Ilang mga vendor, nagkalat sa pila ng pahalik sa Jesus Nazareno sa Quirino Grandstand

Nagkalat ang ilang mga vendor sa paligid ng Roxas Boulevard at South Drive patungong Quirino Grandstand sa Luneta Park.

Ito ay kasabay ng mahabang pila ng mga deboto para sa pahalik sa Jesus Nazareno.

Ayon sa ilang vendor, may ilan umanong nagbayad upang payagang makapagtinda sa South Drive, habang ang iba ay kusang naglagay ng puwesto para sa kanilang paninda.

Maging ang center island ng Roxas Boulevard ay napuno na rin ng mga vendor, kung saan ang ilan ay nagpalipas pa ng magdamag upang makapagtinda.

May mga pasaway na vendor na humaharang sa pila ng mga deboto na sinisita ng mga hijos at ng Manila Police District (MPD), ngunit patuloy pa rin ang pagdami ng mga ito.

Sa kasalukuyan, tatlong ikot ang pila bago makapasok sa entrance ng pahalik sa Jesus Nazareno, kung saan hiwalay ang pila ng mga senior citizen, person with disability (PWD), at mga buntis.

Matapos ang pahalik, ang labasan ng mga deboto ay pabalik o patungong South Drive, at hindi na tulad ng dati na sa Katigbak Drive ang exit.

Batay naman sa datos ng MPD, mula alas-8:00 ng umaga, tinatayang nasa halos 6,000 katao na ang nakibahagi sa aktibidad bilang bahagi ng kapistahan ng Jesus Nazareno.

Facebook Comments