Sa kabila ng patuloy ng pag-ulan sa lungsod ng Maynila, hindi pa rin naaawat ang mga militanteng grupo na magsagawa ng kilos-protesta ngayong araw.
Mula sa Liwasang Bonifacio, unang nagtungo ang militanteng grupong Kilusang Mayo Uno at Anakpawis sa Department of Labor and Employment (DOLE) bago nagpunta sa Department of Justice (DOJ).
Ito’y upang ipanawagan sa mga kalihim ng nasabing departamento na panagutin ang administrasyomg Duterte sa tinaguriang bloody Sunday massacre sa Southern Tagalog na naganap anim na buwan na ang nakalipas.
Nabatid na nasa 56 na manggagawa ang pawang nanguna sa union at mga miyembro ng militante ang napatay at ilang daan ang inaresto matapos ipanawagan ang karapatan bilang isang Pilipinong manggagawa.
Nabatid na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring natatanggap na hustisya ang pamilya ng mga biktima na pawang mga taga-Cavite, Laguna, Batangas at Rizal.
Iginiit din ng grupo na itigil na ang red-tagging sa mga katulad nila kung saan hangad lamang nila na ipaglaban ang karapatan bilang isang Pilipino.
Nais nila na matulungan at matutukan ng pamahalaan ang sitwasyon ng mga manggagawa na labis na naghihirap lalo na ngayon nasa gitna ng COVID-19 pandemic.
Bukod sa DOLE at DOJ, nagtungo rin sa Mendiola ang mga militanteng grupo upang ipagpatuloy ang kanilang protesta.