Ilang Miss Earth Candidates, Pinuri ang Ginawang Rehabilitasyon ng Boracay

Echague, Isabela – Pabor ang ilang Miss Earth candidates sa ginawang pagpapasara at rehabilitasyon ng isla ng Boracay sa Malay, Aklan.

Sa ginawang ugnayan ng mga Miss Earth candidates kaninang hapon, Oktubre 26, 2018, sa mga kasapi ng lokal na media sa Isabela ay ilan sa kanila ang nagpahayag ng pagpabor sa ginawang pagpapasara at pagsasaayos nito.

Sa naging mahabang sagot ni Miss Monica Aguilar ng Cuba ay kanyang sinabi na kahanga hanga ang ginawa ni Pangulong Duterte at mainam daw na isinagawa ng naturang hakbang dahil kung hindi ay baka tuluyang mawala ang kagandahan ng isla dahil sa sobrang pagkasira nito.


Sinabi naman ni Miss Christine Van Schalkwyk ng Ireland na siya ay masaya na madalaw ang magandang isla ng Boracay habang nandito siya sa Pilipinas.

Samantalang si Miss Emma Mae ng Guam naman ay kanya umanong nasubaybayan ang nangyari sa Boracay at siya ay nalungkot dahil sa mga lumabas na balita tungkol sa maraming mga kalat na plastic at mga basura sa naturang isla.

Ibinahagi rin ni Miss Valeria Ayos ng Columbia na sa kanilang bansa ay ginawa rin ang naturang sistema na kung saan ay ilang lugar pasyalan din ang isinara upang mapreserba ang kalikasan.

Ang mga Miss Earth candidates ay kasalukuyang nasa Lalawigan ng Isabela para sa kanilang resort’s wear competition at talent competition na magiging tampok sa kasalukuyang Mengal Festival ng Echague, Isabela.

Kasama ng mga lokal na media na humarap sa mga kandidata ay ang Director General ng Mengal Festival na si Liga ng mga Barangay National President Faustino “Inno” Dy V, Assistant Director General ng naturang pista na si Cauayan City Councilor Arco Meris at si Isabela 3rd District Board Member Fred Alili.

Ginanap ang ugnayan ng mga Miss Earth candidates sa mga lokal na media sa Echague Banchetto na malapit mismo sa munisipyo ng naturang bayan.

Facebook Comments