Ilang miyembro ng gabinete ni PBBM, sumabak na sa trabaho

Nagsimula nang sumabak sa trabaho ang ilang miyembro ng gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Isa na rito si Trade Secretary Alfredo Pascual kung saan tinanggap nito ang flag ng Department of Trade and Industry mula sa dating kalihim nito na si Ramon Lopez, sa turnover rites ng ahensya.

Sa ilalim ng kanyang liderato, nangako si Pascual na palalakasin ang suporta ng gobyerno sa Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) at palawigin ang manufacturing sector at exportation ng bansa.


Sinalubong naman ni Outgoing Labor Secretary Silvestre Bello III ang bagong kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE) na si Bienvenido Laguesma na nangakong ipagpapatuloy ang sinimulan ni Bello sa departamento.

Sa kabilang banda, si Bello ang itinalaga bilang chairman ng Manila Economic and Cultural Office.

Agad ding nakipagpulong sa mga opisyal ng Public Works and Highways Secretary (DPWH) si Secretary Manuel Bonoan matapos ang turnover ceremony upang ilahad ang kanyang mga polisiya at prayoridad.

Habang nagsimula namang manungkulan si Secretary Susan Ople bilang pinuno ng bagong ahensya na Department of Migrant Workers (DMW).

Tiniyak ni Ople na ang DMW ay magkakaroon ng zero-tolerance policy para sa illegal recruiters at human traffickers gayundin ang pagtatatag ng One Repatriation Command Center na mangangasiwa sa repatriation o pagpapauwi ng Overseas Filipino Workers na nais ng umuwi ng Pilipinas.

Samantala, nilibot naman ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla ang kanyang bagong tanggapan at kasalukuyang nasa “familiarization” stage sa Department of Justice (DOJ).

Facebook Comments