Ilang miyembro ng Maute, posibleng nakatakas na sa Marawi

Manila, Philippines – Hindi isinasantabi ng Armed Forces of the Philippines ang posibilidad na nakatakas na ang ilang miyembro ng Maute Group mula sa Marawi City sa kasagsagan ng bakbakan doon.

Sa Mindanao hour briefing sa Davao City ay sinabi ni Brigadier General Gilbert Gapay na hindi malayong mayroon nang mga nakatakas habang umaabante ang puwersa ng pamahalaan.

Patunay aniya nito ay ang pagkakahuli kay Cayamora Maute nang pumasok ito sa Davao City na mula naman sa Marawi City.


Paliwanag ni Gapay, nasa loob pa ng Marawi City si Cayamora sa kasagsagan ng gulo doon pero nagawa parin nitong makaalis ng Lanao del Sur.

Una nang nanawagan ang Armed Forces of the Philippines sa publiko na maging mapagmatiyag at agad na isumbong ang anomang kahinahinalang aktibidad sa kanilang mga lugar upang matiyak ang kanilang kaligtasan at ng kanilang komunidad.
DZXL558, Deo de Guzman

Facebook Comments