Ilang miyembro ng Minorya sa Senado, umaasang matutuloy pa rin ang paglilitis sa impeachment case laban kay VP Sara

Patuloy na umaasa si Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros na magkakaroon pa rin ng paglilitis ang Senate impeachment court tungkol sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte sa kabila ng Supreme Court ruling na nagdedeklarang unconstitutional ang mga articles of impeachment laban sa bise presidente.

Ayon kay Hontiveros, nananatiling convene pa rin naman ang impeachment court kaya nagpapatuloy pa rin ang paglilitis at umaasa siyang magagawa nila ang trial matapos ang August 6 kung saan tatalakayin naman ang naging desisyon ng Korte Suprema.

Katunayan, mayroong resolusyon na binabalangkas ngayon sa mataas na kapulungan na naglalaman ng mga reference mula sa dating justices na nagbibigay ng payo sa kanilang mga senator judge para maging gabay kung papaano makakausad ang impeachment case.

Ito aniya ang kanilang binubuno sa mga nakalipas na araw at linggo para alam nila kung papaano kikilos ang senado na hindi mauuwi sa political crisis o hindi magkakaroon ng gridlock sa pagitan ng dalawang magkahiwalay na sangay ng gobyerno.

Sakaling may magmosyon sa August 6 na ipa-dismiss ang impeachment trial laban kay VP Duterte, paalala ni Hontiveros wala pa namang maidi-dismiss dahil hindi pa naman nailatag ang mga argumento at ebidensya laban sa bise.

Facebook Comments