Ilang miyembro ng S&R, posibleng mabiktima ng identity theft kasunod ng nangyaring cyber-attack

Posibleng maging biktima ng identity theft ang libu-libong miyembro ng membership shopping store na S&R.

Ito ang inihayag ni Jerry Liao, isang IT expert sa interview ng RMN Manila, matapos atakehin ng mga hacker ang database ng nasabing shopping center.

Ayon kay Liao, nakalagay kasi sa database ang pangalan, edad, tirahan, birthday at email address ng 22,000 miyembro nito na posibleng gamitin sa iba pang modus.


Maliban sa identity theft ay sinabi rin ni liao na pwedeng gamitin ang na-hack na data base upang ibenta sa mga marketing companies o kaya naman ay gamitin sa paggawa ng pekeng ID.

Samantala, sinabi ni Liao na isang ransomware ang ginamit sa pag-atake sa database ng S&R.

Ang ransomware ay isang uri ng computer virus kung saan maaari lamang itong matanggal kapalit ng perang hihinggiin ng mga naglagay nito.

Dahil dito, pinayuhan ni Liao na seryosohin ng ibang kompanya ang regular na pag-update sa kanilang system upang masigurong hindi ito mapapasok ng mga hackers.

Facebook Comments