Inilunsad ng Office of the Presidential Adviser for Peace Reconciliation and Unity (OPAPRU) ang Moro National Liberation Front (MNLF) Transformation Program sa Lamitan, Basilan kung saan 60 MNLF combatants na nakakumpleto ng socio-economic profiling ang tumanggap ng tig P45,000 transitional cash assistance mula sa Department of Social Welfare and Development.
Bukod sa 60 inisyal na benipisyaryo, 407 karagdagang MNLF combatants sa Basilan ang nakatakdang maging benipisyaryo ng MNLF Transformation program matapos nakumpleto ang kanilang profiling na sinumulan kahapon hanggang sa Oktubre 6.
Ang MNLF Transformation program ay pagkumpleto sa 1996 Final Peace Agreement upang matulungan ang mga dating mandirigma na makabalik sa normal na pamumuhay sa pamamagitan iba’t ibang socio-economic benefits.
Kasunod nito, nagpasalamat naman si Presidential Peace Adviser Sec. Carlito Galvez Jr., sa suporta ng mga implementing local at national partner ng OPAPRU sa matagumpay na paglulunsad ng Transformation Program sa Basilan.
Sa mga susunod na linggo, sisimulan na rin ng OPAPRU ang socio-economic profiling ng mga MNLF members sa Lanao del Sur, Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte at North Cotabato upang makatanggap na rin ng benepisyo ang mga ito.