Dismayado ang ilang motorista sa biglaan pagsasara ng left turn sa Magallanes Interchange o yung access road mula Osmena Hi-Way papunta ng Edsa Northbound.
Nabatid kasi na hindi agad naglabas ng advisory ang Metro Manila Development Authority (MMDA) kaya’t sobrang naabala sila sa biyahe lalo na’t liliko sila sa Sales-Villamor Interchange para makabalik lamang sa Edsa.
Pero iginiit ng MMDA na kailangan nila agad itong isara lalo na’t lumalabas sa kanilang datos na nagiging sanhi ito ng pagsikip ng daloy ng trapiko sa magkabilang panig ng Magallanes Interchange.
Bukod pa ito sa dami ng naitala nilang aksidente sa naturang lugar kung saan wala pa naman kasiguraduhan kung kailan ulit ito bubuksan sa mga motorista.
Ipinaliwanag din ng MMDA na kanila nang kinakusap ang mga opisyal ng Magallanes Village para magamit ang kanilang kalsada papunta ng Edsa.
Humihingi naman ng pang-unawa ang MMDA sa mga naabalang motorista saka nila iginiit na ang hakbang na ito ay para na din sa kanilang kapakanan.