Nagpahayag ng saloobin ang ilang motorista kaugnay ng posibleng rollback sa presyo ng langis sa susunod na linggo, kasunod ng pahayag ng Department of Energy (DOE) na maaaring umabot sa halos piso ang bawas-presyo sa mga produktong petrolyo.
Ayon sa ilang motorista, hindi pa rin sapat ang inaasahang rollback upang maramdaman ang tunay na ginhawa, lalo na’t nananatiling mataas ang presyo ng maraming pangunahing bilihin.
Tulad ng tricycle driver na si Melvin, aniya, hindi umano gaanong mararamdaman ang bawas-presyo kung maliit lamang ang ibababa sa kada litro, lalo na sa araw-araw na gastusin.
Batay sa pagtataya ng industriya at sa apat na araw ng kalakalan, inaasahang magkakaroon ng rollback na humigit-kumulang ₱0.40 kada litro sa gasolina, ₱0.50 kada litro sa diesel, at ₱0.25 kada litro sa kerosene.
Ayon sa DOE, bahagyang bumaba ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ngayong linggo dahil sa posibilidad ng mas mataas na produksyon ng crude oil mula sa Venezuela, gayundin sa patuloy na pagmamatyag ng mga merkado sa mga polisiya ng OPEC+ sa gitna ng humihinang demand sa langis.
Samantala, matatandaang noong nakaraang linggo, epektibo noong Enero 6, ay nagpatupad ng bahagyang pagbabago sa presyo ang mga kumpanya ng langis kung saan bumaba ng ₱0.10 kada litro ang gasolina, habang tumaas ng ₱0.20 ang diesel at ₱0.10 naman ang kerosene.
Inaasahang magbibigay ng opisyal na anunsyo ang mga kumpanya ng langis hinggil sa aktuwal na galaw ng presyo sa mga susunod na araw.










