Naniniwala ang ilang mga nagtitinda ng bigas sa Agora Market na walang nakikita silang problema sa plano ng Department of Agriculture (DA) na magtakda ng suggested retail price (SRP) sa bigas.
Ayon sa mga vendor sa Agora Market, bukas naman sila sa plano ng DA basta huwag lang palugi ang ibibigay nilang SRP.
Naalala kasi nila ang price cap na ipinatupad noong nakaraang taon sa bigas na ₱41 at ₱45 per kilo para sa regular at well-milled rice na palugi naman ang benta.
Paliwanag ng mga nagtitinda ng bigas na dapat maging patas sa pagtatakda ng SRP at matiyak na mayroon pa rin silang kikitain.
Sa ngayon kasi ay nanatiling mahal ang bentahan ng bigas kaya napipilitan din silang magtaas.
Sa ngayon, ₱52 kada kilo ang pinakamurang bigas.
Nabatid na na kokonsultahin pa ng DA ang stakeholders para matukoy kung magkano ang angkop na SRP ng bigas.
Una nang sinabi ng Federation of Free Farmers Cooperative na dapat na maging makatwiran ang magiging SRP para hindi malugi ang mga trader, wholesaler at retailer.
Maaari din kasi itong makaapekto sa bentahan ng palay ng mga magsasaka at maaari ding makaapekto sa importasyon ang pagtatakda ng SRP.