*Cauayan City, Isabela-* Nakatakdang ipatawag anumang araw simula ngayon sa konseho ng Sangguniang Panlalawigan ng Isabela ang Department of Agriculture (DA), National Food Authority (NFA) at mga rice traders upang mapag-usapan ang dahilan ng pagbaba ng presyo ng palay sa Lalawigan.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Atty. Randy Areola, Board Member ng Isabela, kanyang sinabi na dapat makita at mapag-aralan rin ng pamahalaan maging ang DTI ang dahilan ng biglaang pagbaba ng presyo ng palay lalo na at malapit na naman ang harvest season.
Posible umano na may nag-iimpluwensyang grupo upang mapababa ng husto ang presyo ng palay dahil nakakapagtaka aniya na sa kabila ng napakababang presyo ng palay ay mataas pa rin ang presyo ng bigas.
Dagdag pa ni Atty. Areola na iilan pa lamang ang nakakaintindi sa layunin ng Rice Tariffication Law dahil sa walang sapat na information and desimmination drive sa mga magsasaka.
Hindi umano maiwasan ang paghihirap sa umpisa dahil parte na ito ng pag-unlad at layon lamang ng administrasyon na matulungan at mapaunlad ang pamumuhay ng bawat magsasaka sa pamamagitan ng RTL.
Bukod dito ay dadami rin ang suplay ng bigas sa pamamagitan ng mga imported rice at mapapababa rin ang presyo nito sa merkado.
Hiniling naman ni Atty. Areola ang pakikipagtulungan ng bawat isa at umaasa ito na matatamasa rin sa bandang huli ang tunay na layunin ng Rice Tariffication Law.