Hindi rin nakaligtas sa matinding pag-ulan at pagtaas ng tubig baha ang isang pribadong sementeryo sa Dagupan City matapos lumubog ang ilan sa mga nitso at museleo sa lugar.
Sa kasagsagan ng Bagyong Uwan, hindi na maaninag ang mga lapida ng ilang nitso dahil sa lalim ng tubig, habang umabot na rin ang baha sa ilang museleo.
Malapit ang sementeryo sa Pantal River at matatagpuan sa low-lying area, dahilan upang agad itong pasukin ng baha, lalo na kapag sabay ang malakas na ulan, epekto ng bagyo, at pagtaas ng tubig-dagat.
Sa ngayon ay unti-unti nang humuhupa ang tubig sa lugar, ngunit patuloy pa ring nagbabala ang lokal na pamahalaan sa mga residente.
Kasabay nito, binabantayan pa rin ang taas ng tubig sa ilang river system sa lalawigan upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.









