ILANG NOCHE BUENA ITEMS SA MGA PAMILIHAN SA DAGUPAN CITY, BAHAGYANG NAGTAAS NG PRESYO

Bahagyang tumaas ang presyo ng ilang Noche Buena items sa mga pamilihan sa Pangasinan, ayon sa pinakabagong price monitoring ng DTI Pangasinan Provincial Office

Batay sa pagmomonitor sa iba’t ibang establisyemento, ilang produkto ang nanatili sa kanilang prevailing prices, habang ang iba ay nagpakita ng bahagyang pagtaas.

Gayunpaman, siniguro ng ahensya na lahat ng items ay pasok pa rin sa DTI Noche Buena Price Guide for 2025, na nagbibigay ng katiyakan sa mga mamimili na ang presyo ay makatwiran at nasa loob ng itinakdang pamantayan.

Samantala, positibo naman ang resulta ng pagsusuri sa mga Christmas lights dahil lahat ng nasuri ay may PS Marks sa packaging, patunay na nakapasa ang mga ito sa safety at quality tests at sumusunod sa mandatory product certification.

Nagpaabot ng ilang paalala ang ahensya sa publiko, kabilang ang maagang pamimili, pagsuri sa price tags at tamang labeling, at paggamit ng DTI Noche Buena Price Guide para sa tamang pagba-budget ngayong kapaskuhan.

Hinikayat din ang mga negosyante na sumunod sa fair trade laws gaya ng tamang pagdisplay ng price tags, pagsunod sa No Shortchanging Act of 2016, at pagtiyak na may kaukulang sertipikasyon ang mga produktong saklaw ng mandatory standards. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments