Nakabalik na sa trabaho ang karamihan sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa Hong Kong na nagpositibo sa virus at gumaling na
Ayon kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac, muling kinuha ng kanilang employer ang serbisyo ng OFW matapos mapaliwanagan ang mga ito.
Pero mayroon aniyang isang employer ang hindi pa nila makumbinsi na muling kuhain ang serbisyo ng kinuha nilang OFW.
Iginiit din ni Cacdac na malinaw sa batas ng Hong Kong na hindi dapat alisin sa trabaho ang isang manggagawa na nagkasakit dahil pwede naman itong maghain ng sick leave at bumalik sa trabaho kapag magaling na.
Aniya, ang employer na magte-terminate ng OFW ay maaaring mailagay sa blacklist sa bansa.
“Mayroon tayong reported cases ng mga na-terminate na mga OFWs, pero ang ipinag-utos po ni Secretary Bello ay kausapin ‘yung employers para makumbinsi sila. Kasi under Hong Kong law po ay hindi sila dapat i-terminate kasi puwede naman mag-sick leave o ‘di kaya ay makabalik sila after maka-recover. So hindi po sila kailangan i-terminate. Mayroon na pong mga nakumbinsi na mga employers na tanggapin muli ‘yung kanilang mga OFWs. ‘Yung hindi po makumbinsi – at sa talaan po natin ay parang isa lang po eh ang nag naka-record sa atin na hindi pa makumbinsi na employer – ay idudulog na po natin ito sa Hong Kong Labour Authority,” ani Cacdac
Sa ngayon, umabot na sa 76 na OFW sa Hong Kong ang tinamaan ng COVID-19.
Sa nasabing bilang, walo sa mga ito ang naka-admit sa mga pagamutan habang ang iba ay nasa isolation facility.