Ilang OFW na stranded sa Saudi, napipilitan na raw magbenta ng dugo upang may pambili ng pagkain

Dahil nahinto ang trabaho bunsod ng epekto ng COVID-19 pandemic, napipilitan na raw ang ilang overseas Filipino worker (OFW) na hanggang ngayon ay stranded sa Saudi Arabia na ibenta ang kanilang dugo upang makabili ng pagkain sa araw-araw.

Batay sa isang ulat, halos apat na buwan nang stranded sa isang gusali ang nasa 50 kababayan buhat nang matigil ang operasyon ng pinapasukang restawran.

Wala rin umano silang natatanggap na sahod mula sa naturang kompanya, dahilan upang i-alok ng iba sa kanila ang mismong dugo na puwedeng mabili sa halagang 500 riyal o halos 6,600 pesos.


Sa pagbabakakasakaling makakarating ito sa pamahalaan, minabuti ng isang OFW na ipost sa Facebook ang sitwasyon doon.

“Yung iba po sa amin nasa ibang building pa nakahiwalay, hindi pa nakasama yung karamihan dito. Meron pa po mga tapos na ang kontrata na naghihintay na lang din na makauwi. Sana po ay makarating sa ating buting Pangulo at sangay ng ating mga Gobyerno sa Pilipinas ang aming video,” pahayag ng OFW na umani ng libu-libong shares online.

Sinisikap na raw ng DFA-OUMWA na mapabalik ng Pilipinas ang mga kababayang stranded sa lalong madaling panahon.

 

Facebook Comments