Tiniyak ng Philippine Consulate General sa Hong Kong na mananagot ang employers na tinanggal ang mga empleyado nilang Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagpositibo sa COVID-19.
Ayon kay Consul General Raly Tejada, iba-black list ng Pilipinas ang employers na sisibakin ang mga manggagawang Pilipino dahil lamang nahawa ang mga ito ng virus.
Aniya, labag sa batas ng Hong Kong ang ginawa ng mga ito at sila din ang responsible sa pagpapagamot ng mga empleyadong positibo sa COVID-19.
Una nang napaulat na may 10 OFW ang nasagip ng konsulada na napipilitang matulog sa labas ng bahay ng mga employers matapos silang tanggalin sa trabaho.
Sabi pa ni Tejada, maaaring magmulta ang employers at maparusahan sakaling mapatunayang guilty ang mga ito sa pagsibak ng mga emplyeado.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na aniya ang konsulada sa Hong Kong labor office habang nagpapagaling na sa isolation facility ang mga OFW.