Nababahala na sa kanilang sitwasyon ang ilang Pilipino sa Beirut, Lebanon sa harap ng patuloy na pagpapaulan ng bomba ng Israel.
Sa exclusive interview ng DZXL RMN News sa Pinay household workers na sina Jocelyn Camancho Flores, Helen Camancho at Rhona Coloso, nananawagan sila sa pamahalaan ng Pilipinas na i-rescue na sila.
Anila, gusto na nilang lumikas subalit ayaw anila ibigay ng kanilang employer ang passport at iqama.
Nababahala anila sila dahil ang susunod nang tatargetin ng Israel ay ang airport at mga ospital sa Beirut.
Higit din anila silang nababahala sa pahayag ng kanilang amo na lilikas ang mga ito sa London at sila ay dadalhin sa bundok para doon manirahan hanggat hindi humuhupa ang giyera.
Marami pa anila silang nakakausap na mga Pinoy sa Lebanon na gusto na ring umuwi ng Pilipinas.
Nagkakaroon na rin anila ng panic buying sa ilang lugar sa Lebanon at wala na ring supply ng kuryente.
Una nang nanawagan sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang naturang OFWs na magdeklara na ng mandatory repatriation para mapilitan ang kanilang employer na pakawalan sila.