Ilang OFWs na naiipit sa gulo sa Lebanon, nagpapa-rescue na sa pamahalaan

Nababahala na sa kanilang sitwasyon ang ilang Pilipino sa Beirut, Lebanon sa harap ng patuloy na pagpapaulan ng bomba ng Israel sa Lebanon.

Sa exclusive interview ng DZXL News sa Pinay household workers na sina Jocelyn Camancho Flores, Helen Camancho, at Rhona Coloso, nananawagan sila sa pamahalaan ng Pilipinas na i-rescue na sila.

Anila, gusto na nilang lumikas subalit ayaw anila ibigay ng kanilang employer ang passport at iqama.


Nababahala anila sila dahil ang susunod nang tatargetin ng Israel ay ang airport at mga ospital sa Beirut.

Higit din anila silang nababahala sa pahayag ng kanilang amo na lilikas ang mga ito sa London at sila ay dadalhin sa bundok para doon manirahan hangga’t hindi humuhupa ang giyera.

Marami pa anila silang nakakausap na mga Pinoy sa Lebanon na gusto na ring umuwi ng Pilipinas.

Nagkakaroon na rin anila ng panic buying sa ilang lugar sa Lebanon, at wala na ring supply ng kuryente.

Sa katunayan habang kausap natin ang OFWs ay ilang beses na naputol ang ating komunikasyon dahil generator set na lamang ang kanilang ginagamit dahil wala nang supply ng kuryente sa Lebanon.

Una nang nanawagan sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang naturang OFWs na magdeklara na ng mandatory repatriation para mapilitan ang kanilang employer na pakawalan sila.

Nilinaw rin ng OFWs na ang mga Pinoy na tumatangging umuwi ng Pilipinas ay ang malapit ng mag-settle sa kanilang mga karelasyon sa Lebanon.

Ayon sa OFWs, masaya rin sila na natunton sila ng DZXL News dahil matagal na raw silang naghahanap ng media na malalapitan at mahihingian ng tulong para sa pag-rescue sa kanila.

Facebook Comments